Nasawi ang isang 6-anyos na batang babae matapos malunod sa isang resort sa Lemery, Batangas nitong Linggo ng hapon, April 5.
Base sa imbestigasyon ng Police Regional Office CALABARZON, naganap ang insidente bandang alas-3 ng hapon sa isang Beach Resort sa Barangay Nonong Casto. Ayon sa report, sumakay umano sa slide ang bata at napunta sa malalim na bahagi ng swimming pool.
Tumagal pa umano ng halos sampung minuto bago napansin ng kanyang pinsan na lumulutang na ito nang nakadapa sa tubig. Agad siyang iniahon at isinugod sa Batangas Provincial Hospital ngunit idineklara ring dead on arrival.
Bandang alas-4:15 ng hapon nang maipaalam sa pulisya ang insidente, dahilan para agad magsagawa ng imbestigasyon ang Lemery Municipal Police Station sa ospital at mismong pinangyarihan.
Sa ngayon, nasa morgue na ng ospital ang labi ng biktima na residente ng Brgy. Bisaya, Calaca City, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. | BChannel News