Nahuli ang dalawang lalaki matapos umanong magnakaw ng humigit-kumulang 40 kilo ng carabao mango sa isang warehouse sa Brgy. Conde Labac, Batangas City kahapon ng hapon, ayon sa Batangas City Police Station.
Batay sa imbestigasyon, bandang alas-2 ng hapon nang pasukin ng mga suspek ang stockroom ng biktima matapos sirain ang padlock ng pinto. Pagpasok, agad nilang kinuha at tinangay ang mga mangga na nagkakahalaga ng nasa 4,400 pesos.
Pero hindi nakalayo ang mga suspek dahil napansin sila ng biktima habang palabas ng lugar. Agad itong humingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang pulis, na mabilis namang rumesponde at naaresto ang dalawa.
Kinilala ang biktima bilang isang 51 anyos na driver na residente ng nasabing barangay, habang ang mga suspek ay sina Berts at Kajo na may edad 33 at 30, at residente rin ng lugar.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at nahaharap sa kasong robbery. | BChannel News