Isang simpleng inuman ng magkapatid sa Brgy. Lewin, Lumban, Laguna ang nauwi sa trahedya matapos masawi ang isang 26-anyos na lalaki kahapon, April 24 bandang alas-11 ng umaga.
Base sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagkainitan umano ang magkapatid habang nag-iinuman. Tumayo ang biktima para ayusin ang speaker pero sinita siya ng kanyang kapatid. Dahil dito, nainis at nagalit ang biktima na nauwi sa komprontasyon.
Sa gitna ng tensyon, kumuha ng screwdriver ang biktima at sinaksak ang suspek sa tagiliran. Gumanti naman ang suspek at paulit-ulit na sinuntok ang biktima habang nakahiga ito sa lupa, na nagdulot ng matinding bukol sa ulo.
Ilang sandali matapos ang insidente, nawalan ng malay ang biktima at nakitaan pa umano ng bula sa bibig. Agad siyang sinuri ng mga rumespondeng health workers ngunit kalaunan ay idineklara ring dead on arrival.
Naaresto naman ng mga pulis ang 40-anyos na suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng Lumban Municipal Police Station para sa kaukulang kaso.
Samantala, tumanggi ang pamilya ng biktima na ipa-autopsy ang labi nito na agad namang dinala sa isang punerarya.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente. | BChannel News