Isang lalaki, arestado matapos umanong magtangkang magnakaw ng air-conditioning unit sa loob mismo ng isang bahay sa Brgy. Gregoria De Jesus sa bayan ng GMA, Cavite madaling araw ng April 25.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagsasagawa ng routine roving ang mga Barangay Public Safety Officers o BPSO bandang ala-1:20 ng madaling araw nang mamataan nila ang suspek na pilit tinatanggal ang window-type aircon ng bahay ng biktima. Nang mapansin ang paparating na mga tanod, bigla umanong pumasok ang suspek sa loob ng bahay.
Agad na siniguro ng BPSO ang lugar at tinawag ang may-ari ng bahay na isang 62-anyos na lalaki. Sa isinagawang paghahanap sa loob, tumambad ang suspek na nagtatago sa kisame ng bahay kung saan siya tuluyang inaresto.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na pinasok ng suspek ang bahay sa pamamagitan ng pagsira sa padlock ng likurang pinto bago tangkaing tangayin ang aircon unit.
Ang 32-anyos na suspek na si Yoko ay dinala sa GMA Municipal Police Station para sa kaukulang kaso. | BChannel News