Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang naglalaro lang umano ng mobile game kasama ang mga kaibigan sa tapat ng gate ng Barangay Sta. Cruz 1 sa Dasmariñas City, Cavite nitong Martes ng gabi.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Dasmariñas Component City Police Station, nangyari ang insidente bandang 8:50 PM nang biglang dumating ang isang itim na motorcycle. Huminto ito sa harap ng grupo, saka bumunot ng baril ang rider na nakasuot ng itim na helmet, jacket, at maong pants, bago walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima na si Renz.
Tinamaan sa kaliwang bahagi ng dibdib ang biktima na isinugod ng kaniyang mga kasama sa Pagamutan ng Dasmariñas, pero idineklara siyang dead on arrival bandang 9:10 PM.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng gunman at alamin ang motibo sa pamamaril, habang sinusuri rin ang posibleng CCTV footage at testimonya ng mga saksi para sa agarang pagkakaaresto sa suspek. | BChannel News