Arestado ng Philippine National Police Balayan Municipal Police Station ang isang itinuturing na Regional Most Wanted Person sa isinagawang manhunt operation sa Barangay Canda, Balayan, Batangas noong May 4.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si “Deejay,” 39-anyos, residente ng Balayan. Siya ay naaresto base sa warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 11 sa Balayan kaugnay ng kasong murder.
Ayon sa mga awtoridad, walang inirekomendang piyansa para sa nasabing kaso.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Balayan Municipal Police Station ang suspek habang inihahanda ang mga kinakailangang dokumento para sa pagbabalik ng warrant sa korte.
Sinabi naman ng Batangas Police Provincial Office na bahagi ito ng kanilang pinaigting na operasyon laban sa mga wanted person bilang hakbang sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.