Isang mag-asawa ang inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG sa Barangay Malaruhatan, Lian, Batangas matapos umanong mahuling nagbebenta ng mga sigarilyong walang tamang health warnings noong May 22, 2026.
Ayon sa ulat, bandang 2:30 PM nang isagawa ang operasyon ng CIDG Batangas Provincial Field Unit kasama ang mga territorial police units. Naaktuhan umano ang mag-asawa sa pagbebenta ng iba’t ibang klase ng sigarilyo na walang graphic health warnings at iba pang required packaging warnings.
Tinatayang nasa ₱300,000 ang halaga ng mga nakuhang produkto sa operasyon.
Sinasabing ang mga nakumpiskang sigarilyo ay hindi sumusunod sa mga regulasyon gaya ng Republic Act 10643 o Graphic Health Warnings Law, at Republic Act 9211 na nag-aatas ng malinaw na health warnings sa lahat ng cigarette packs sa bansa.
Sa ngayon, hawak na ng mga awtoridad ang mag-asawa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso at sa pinagmulan ng mga produkto.
Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad laban sa pagbebenta ng hindi rehistrado at hindi sumusunod sa standard na tobacco products sa merkado.. | BChannel News