Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Dalawang taong gulang na bata, patay sa sariling kamay ng ina sa Alitagtag, Batangas

Isang dalawang taong gulang na batang lalaki ang nasawi matapos matagpuan sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Muzon 1st, Alitagtag, Batangas noong gabi ng Hunyo 12.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Alitagtag Municipal Police Station, isang barangay official ang nag-report sa pulisya matapos madiskubre ang bata at ang kanyang ina sa loob ng bahay.

Ayon sa pulisya, unang nagtungo sa bahay si Marlon, 49-anyos, noong Hunyo 11 upang maghatid ng sopas ngunit walang sumasagot.

Kinabukasan, June 12 bandang 8:00 ng gabi, muli siyang bumalik sa bahay at nakaramdam ng pagdududa dahil tahimik pa rin umano ang loob. Humingi siya ng tulong sa mga barangay official. Pagdating ng mga ito, kumatok sila at tumawag sa mga nakatira pero wala pa ring tugon. Nang sumilip sila sa bintana, napansin nilang magulo ang loob ng bahay.

Binuksan nila ang pinto at natagpuan ang ina na walang malay at nakahiga sa kama, habang ang bata ay nakahandusay at wala nang buhay sa sahig ng parehong silid.

Agad na humingi ng tulong ang mga barangay official sa Bureau of Fire Protection at medical responders upang maisugod sa ospital ang mag-ina.

Sa facebook video ni Wences Hernandez, kita kung paano inilabas ang bangkay ng biktima sa kanilang tahanan at sinabing pinaslang umano ng ina.

Patuloy ang imbestigasyon ng Alitagtag MPS upang matukoy ang buong pangyayari sa pagkamatay ng bata.

Ayon pa sa pulisya, may history umano ng depression ang ina bago ang insidente. Nang magkaroon siya ng malay sa ospital, mahina pa umano ang kaniyang kondisyon kaya hindi pa siya nakapagbigay ng pahayag. | BChannel News