Opens in a new tab
Skip to content
Local

Pamamaril sa Tacloban school, 3 patay; 2 suspek arestado

Tatlo ang nasawi at lima ang sugatan matapos ang pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City nitong June 22 bandang alas-9 ng umaga.

Ayon sa paunang ulat ng pulisya, nagdulot ng matinding takot at kaguluhan ang insidente sa loob ng paaralan, kung saan nagtakbuhan ang mga estudyante at guro upang makaligtas matapos marinig ang sunod-sunod na putok.

Sa ilang video na kumalat online, maririnig ang sigawan at paghingi ng tulong ng mga estudyante habang naghahanap ng ligtas na lugar.

Agad rumesponde ang Tacloban City Police Office upang i-secure ang lugar, tulungan ang mga biktima, at simulan ang imbestigasyon. Ang mga sugatan ay dinala sa ospital para sa agarang gamutan habang hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng mga nasawi hangga’t hindi naaabisuhan ang kanilang mga pamilya.

Dahil sa insidente, agad ding sinuspinde ang klase sa San Jose National High School, pati na sa San Jose Central School at Manlurip Elementary School bilang pag-iingat at upang mabigyan ng panahon ang pagresponde ng mga awtoridad. Inaasahan ding maglalabas ng pormal na kautusan para rito.

Samantala, kinumpirma ng Philippine National Police na naaresto na ang dalawang suspek sa pamamaril.

Isa ay nahuli mismo sa loob ng paaralan habang ang isa pa ay naaresto sa hot pursuit operation. Ayon sa ulat, kapwa estudyante sa naturang eskwelahan ang dalawang suspek, bagay na mas lalong nagpapabigat sa insidente at patuloy na iniimbestigahan.

Sa ngayon, patuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang motibo at buong detalye ng pamamaril, habang nananawagan ang pulisya sa publiko na manatiling kalmado at umiwas sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon.