Pinalalalim ng National Bureau of Investigation o NBI ang imbestigasyon sa umano’y ₱5-milyong plano para siraan si Executive Secretary Ralph Recto, kasunod ng pagpapalabas ng subpoena kina Batangas 1st District Representative Leandro Leviste at dating kongresista na si Jacinto “Jing” Paras.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, pinaniniwalaang target ng isang umano’y character assassination campaign si Recto. Inatasan sina Leviste at Paras na humarap sa mga imbestigador sa darating na Huwebes.
Kasabay nito, sinagot din ni Matibag ang social media post ni Leviste na naglabas ng isang lumang mensahe mula umano sa NBI chief at nagsabing “Gawang Recto” lamang ang isyu. Tugon ni Matibag: “No one is above the law.”

Nag-ugat ang kaso sa isang entrapment operation sa isang five-star hotel sa Malate, Manila, kung saan naaresto ang isang talent manager at nasagip ang limang babae. Ayon sa NBI, inamin umano ng talent manager na inupahan siya upang mag-recruit ng mga babaeng mag-aakusa kay Recto ng ilegal na paggamit ng droga at sexual abuse kapalit ng bayad na ₱5 milyon.
Patuloy namang tinutukoy ng NBI kung sino ang nasa likod ng operasyon at kung may iba pang personalidad na sangkot sa umano’y plano.