Tinawag ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na isang seryosong problema ang patuloy na pagdami ng basura na bumabara sa mga waterways at pumping stations sa Metro Manila.
Sa inspeksyon sa Diokno Pumping Station sa Pasay City at sa Baclaran River sa Parañaque City, nakita ang malaking volume ng basurang nakaaapekto sa daloy ng tubig at mga flood-control operations.
Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, lumalala ang sitwasyon dahil sa sunod-sunod na pag-ulan dala ng Habagat, habang mabilis na nababara ang mga drainage system at pumping stations.
Sinabi rin ng Pangulo na posibleng may bahagi ng basurang nagmumula sa Manila Bay at naitutulak papasok ng mga daluyan ng tubig kapag high tide at may pagbaha.
Sa halip na agad magpatupad ng mas mabigat na parusa sa maling pagtatapon ng basura, sinabi ni Marcos na mahalaga ring tiyakin na may sapat na pasilidad para sa tamang waste disposal.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng tuloy-tuloy na paglilinis at dredging ng mga estero at ilog. Kasabay nito, isinusulong ng pamahalaan ang waste-to-energy program, na layong gawing kuryente ang basura upang mabawasan ang volume ng mga itinatapon sa landfill. | BChannel News