Opens in a new tab
Skip to content
Local

Babae, patay; rider sugatan sa banggaan ng motorsiklo at truck sa Antipolo City

Patay ang isang 69-anyos na babae na backrider habang sugatan naman ang rider ng sinasakyan niyang motorsiklo matapos masangkot sa aksidente sa Zigzag Road, Barangay San Jose, Antipolo City, Rizal noong Agosto 14.

Batay sa paunang imbestigasyon, magkatabing bumibiyahe ang isang motorsiklo at isang truck patungong Antipolo Proper nang magbanggaan ang dalawang sasakyan sa isang paakyat at pakurbadang bahagi ng kalsada.

Dahil sa banggaan, tumumba ang motorsiklo at tumilapon sa kalsada ang rider at kanyang backrider. Nakuhanan din umano ng CCTV na nasagasaan ng gulong ng truck ang rider matapos ang insidente.

Agad na isinugod sa Rizal Provincial Hospital Annex II ang mga biktima, ngunit idineklarang dead on arrival ang backrider na si Rose, residente ng Libjo, Infanta, Quezon. Inilipat naman sa Quirino Memorial Medical Center ang rider para sa karagdagang gamutan.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente habang pinag-aaralan ang posibleng pagsasampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injury and Damage to Property. | BChannel NEWS