Muling nagwagi ang Filipino pole vaulter na si EJ Obiena matapos masungkit ang kanyang ikatlong sunod na gintong medalya sa 2026 Golden Sand meet sa Międzyzdroje, Poland noong August 18.
Nagtala ang 30-anyos na atleta ng 5.91 metrong talon, na nagsilbi ring bagong meet record at unang beses na muli niyang nalampasan ang 5.90-meter mark mula noong 2024 Paris Olympics.
Nakamit ni Seifeldin Abdelsalam ng Qatar ang pilak sa 5.75 metro, habang tanso naman si Cole Walsh ng Estados Unidos sa 5.70 metro sa 11-man field. Ayon kay Obiena, masaya siyang muling makapagtala ng higit sa 5.90 metro matapos ang ilang panahon.
Mahalaga ang panalong ito habang pinapalakas niya ang kanyang world ranking para makakuha ng puwesto sa World Athletics Ultimate Championship sa Budapest, Hungary ngayong Setyembre.