Opens in a new tab
Skip to content
Local

DILG: Roblox, tinitingnang posibleng impluwensya sa pamam^ril sa Zamboanga

Sinusuri ng mga awtoridad kung posibleng naimpluwensyahan ng Roblox ang 14-anyos na Grade 8 student na itinuturong sangkot sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, wala pa umanong katiyakan dito dahil isasailalim pa sa forensic examination ang mga gadget ng suspek.

Sinabi ni Remulla na may mga saksi umanong nakakita sa estudyante na naglalaro ng Roblox. Tinitingnan din ng mga awtoridad ang isang website kung saan umano niya ni-livestream ang insidente, bukod sa Facebook.

Ayon sa kalihim, posibleng may kinalaman sa radicalization ang mga online chat group, ngunit nilinaw niyang hindi mismong Roblox ang itinuturing na mapanganib na laro.

Inilarawan naman ni Remulla ang bata bilang mahusay na estudyante at number one sa klase, na wala umanong dating problema sa pag-uugali.

Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang kanyang mga gadget at online activity upang matukoy ang tunay na motibo at mga posibleng nakaimpluwensya sa insidente. | BChannel news