Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

P6.8-milyong halaga ng shabu, nasamsam sa isang lalaki sa buy-bust sa Batangas city

Isang 24-anyos na lalaki ang naaresto sa isang buy-bust operation sa Barangay Balagtas, Batangas City, kung saan nasamsam ang tinatayang isang kilo ng hinihinalang shabu na may DDB value na ₱6.8 million.

Isinagawa ang operasyon bandang alas-9:35 ng gabi nitong September 2 ng pinagsanib na puwersa ng Batangas Provincial Drug Enforcement Unit, PDEA Batangas at Batangas City Police, sa koordinasyon ng PDEA Region 4A.

Ayon sa Batangas Police Provincial Office, ang suspek ay si alyas na “Utoy.” Siya ay residente ng Dasmariñas, Cavite at sinasabing tubong Alfonso, Cavite.

Bukod sa hinihinalang shabu, narekober din umano sa operasyon ang isang milyong pisong boodle money na ginamit bilang marked money. Nakapaloob dito ang isang tunay na ₱1,000 bill at 999 pekeng ₱1,000 bills.

Nakuha rin umano ang isang cellphone, backpack at ₱500 cash.

Ang hinihinalang droga ay isasailalim pa sa laboratory examination, habang sasailalim naman sa drug testing at medical examination ang naarestong suspek.

Inihahanda na ng pulisya ang reklamo sa ilalim ng Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.