Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Mahigit 1.5 milyong minimum wage earners sa CALABARZON, makakatanggap ng dagdag-sahod simula Oktubre 26

Aprubado na ang dagdag-sahod na hanggang 45 pesos kada araw o katumbas ng humigit-kumulang 1,170 pesos kada buwan, na magiging epektibo sa October 26, 2026.

Batay sa kasalukuyang daily minimum wage na 508 hanggang 600 pesos, maaaring maging 553 hanggang 645 pesos kada araw ang sahod ng mga manggagawang makakatanggap ng buong 45-peso increase. Gayunman, hindi pare-pareho ang magiging dagdag dahil nakadepende ito sa kanilang wage category.

Bukod sa mga minimum wage earners, makikinabang din sa bagong wage adjustment ang humigit-kumulang 201,000 kasambahay sa rehiyon. Itatakda sa 7,500 pesos kada buwan ang kanilang bagong minimum wage, simula rin sa October 26.

Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board 4A at National Wages and Productivity Commission ang bagong wage rates matapos ang pagsusuri sa socio-economic conditions ng rehiyon, pati ang mga public hearing at konsultasyon kasama ang representatives ng labor sector, employers, at gobyerno.

Isinagawa ang pag-apruba alinsunod sa Republic Act Number 6727 o Wage Rationalization Act, na nagtatakda ng proseso sa pagrepaso at pag-aayos ng minimum wage sa bansa.

Ayon kay Labor Secretary Francis N. Tolentino, mahigpit na babantayan ng Department of Labor and Employment o DOLE Regional Office 4A ang pagpapatupad ng bagong wage order sa mga establisimyento at kabahayan sa CALABARZON.

Paalala naman sa mga employer, obligasyon nilang sundin ang itinakdang minimum wage. Sa ilalim ng wage order, ang sinumang tao o negosyo na tatangging magbayad o hindi susunod sa tamang sahod ay maaaring managot alinsunod sa Section 12 ng Republic Act Number 6727, na inamyendahan ng Republic Act Number 8188 kung saan maaaring magresulta sa multang 25-thousand hanggang 100-thousand pesos, pagkakakulong ng 2 hanggang 4 na taon, o kapwa parusa. Maaari ring obligahin ang employer na bayaran nang doble ang hindi naibigay na wage benefits ng mga apektadong manggagawa, alinsunod sa naturang batas.

Para sa mga manggagawa, mahalagang alamin ang eksaktong minimum wage rate na naaangkop sa kanilang trabaho at lugar, dahil hindi pare-pareho ang halaga ng dagdag-sahod sa buong rehiyon.