Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Paihi sa Calatagan port, Batangas, nabisto; 21k liters ng petroleum at 51 drums, nasabat

Nasabat ng mga awtoridad ang isang oil tanker truck at iba pang kagamitan matapos umanong mahuling naglilipat ng petroleum products sa mga drum sa Calatagan Port, Batangas.

Arestado sina Anacleto at Rowel dahil sa umano’y paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865, o batas laban sa illegal trading ng petroleum at petroleum products.

Nangyari ang operasyon bandang 6:00 ng gabi noong October 7, 2026, sa Philippine Ports Authority o PPA Calatagan Port sa Barangay 4, Calatagan, Batangas.

Ayon sa police report, nakatanggap ng impormasyon ang Calatagan Municipal Police Station tungkol sa umano’y illegal siphoning at unauthorized transfer ng petroleum products sa lugar.

Agad na rumesponde ang mga intelligence operatives ng Provincial Intelligence Unit ng Batangas Police Provincial Office, kasama ang Calatagan MPS at PPA Calatagan personnel.

Pagdating sa lugar, umano’y naabutan ang dalawang suspek na naglilipat ng petroleum products mula sa isang white oil tanker truck, papunta sa mga drum o containers.

Nang hingan ng mga awtoridad ng dokumento, hindi umano nakapagpakita ang mga suspek ng delivery receipt, delivery instruction, sales invoice, written authority, permit, o certification na nag-a-authorize sa unloading at transfer ng petroleum products.

Wala rin umanong sapat na dokumento na magpapatunay na awtorisado at angkop gamitin ang mga drum para sa storage at transport ng petroleum products.

Kabilang sa inilagay sa police custody ang isang 200-liter drum na may unleaded gasoline, na tinatayang nagkakahalaga ng 17,660 pesos, at 51 empty blue drums, na may kapasidad na tig-200 liters at tinatayang 2,000 pesos bawat isa, o 102,000 pesos lahat.

Nakumpiska rin ang isang siphoning o chemical hose at ang oil tanker truck na tinatayang nagkakahalaga ng 3.1 million pesos, na may tank capacity na 24,000 liters.

Batay sa initial report, may lamang humigit-kumulang 21,000 liters ng petroleum products ang tanker kung saan kabilang ang 4,000 liters diesel, 9,000 liters unleaded gasoline, at 8,000 liters premium gasoline.

Patuloy ang imbestigasyon para matukoy kung may naganap na paglabag sa batas at sa mga kinakailangang permit at regulatory requirements. | BChannel news