Opens in a new tab
Skip to content
Calamity

Pagtatanim ng kawayan, isinusulong ng DENR bilang panghanda sa super el niño

Naghahanda ang Department of Environment and Natural Resources o DENR ng mga solusyong nakabatay sa kalikasan upang matulungan ang mga magsasaka sa kabundukan na makayanan ang epekto ng El Niño at matagal na tagtuyot.

Sa Cabinet meeting, iniulat ng ahensya ang mga hakbang para mapanatili ang moisture sa lupa, maiwasan ang soil erosion, at magkaroon ng karagdagang suplay ng tubig para sa mga sakahan.

Ayon kay Environment Secretary Juan Miguel “Mitch” T. Cuna, mahalaga ang climate-resilient agriculture upang maprotektahan ang produksyon ng pagkain at kabuhayan ng mga magsasaka sa panahon ng matinding tagtuyot.

Kabilang sa mga proyekto ang Capas Bamboo Ecopark sa Tarlac, kung saan itinatanim ang kawayan na nakatutulong sa pagpapanatili ng moisture sa lupa at pagpigil sa pagguho nito.
Sa Zambales, gumagamit naman ang DENR ng contour farming, stone bunds, at mulching sa mga lugar na saklaw ng National Greening Program upang maprotektahan ang topsoil at mapanatili ang produktibidad ng lupa.

Sa Ilocos Region, nakikipag-ugnayan ang ahensya sa National Irrigation Administration o NIA at mga samahan ng irrigators para makontrol ang pagkuha ng tubig mula sa mga ilog at maisulong ang wastong paggamit nito.

Samantala, may mga Small Water Impounding System o SWIS sa Catanduanes at SOCCSKSARGEN na nagsisilbing alternatibong pinagkukunan ng tubig para sa mga sakahang posibleng maapektuhan ng tagtuyot.

Plano rin ng DENR na palawakin ang agroforestry demonstration sites sa mga pangunahing river basin, gamit ang mga katutubong punong kayang mabuhay sa kakulangan ng tubig at mga tanim na kawayan.

Layunin ng mga hakbang na mapangalagaan ang lupa at tubig upang makatulong sa pagpapatuloy ng pagsasaka kahit tumagal ang El Niño.