Sinabi ni Senate President Pro Tempore at impeachment presiding officer Francis “Chiz” Escudero na hindi niya tatanggapin ang posisyon bilang vice president kung sakaling maalis sa puwesto si Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment.
Sa kaniyang podcast, ipinaliwanag ni Escudero na maaari itong magdulot ng conflict of interest dahil bahagi siya ng mga senator na hahawak sa impeachment proceedings. Nilinaw rin niyang wala namang nag-aalok sa kaniya ng posisyon at personal na paninindigan niya ito, hindi para impluwensiyahan ang kapwa senador.
Sa ilalim ng Konstitusyon, ang pangulo ang magno-nominate ng kapalit kapag nabakante ang vice presidency mula sa mga miyembro ng Kongreso. Kailangan itong makumpirma ng mayorya ng Senado at House of Representatives. Binanggit ni Escudero ang pagkakatalaga kay dating Senator Teofisto Guingona Jr. bilang vice president sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang halimbawa.
Samantala, itinanggi ni Escudero na nakapagdesisyon na siya sa impeachment case laban kay Duterte. Ayon sa kaniya, patas ang proseso at nasa prosecution ang responsibilidad na patunayan ang mga alegasyon. Dagdag niya, parehong standards ang ilalapat niya sa depensa kapag oras na nitong magprisinta ng ebidensya.