Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Bata, nasawi sa pagsagip umano sa kapatid sa ilog sa Lemery, Batangas

Natagpuan na ang bangkay ng isang siyam na taong gulang na bata na naiulat na nawawala sa Pansipit River, sa hangganan ng Agoncillo at Lemery, Batangas, noong October 25, 2026.

Ayon sa Philippine Coast Guard o PCG, narekober ang bata bandang alas-3:20 ng hapon noong October 26, malapit sa Palanas Bridge sa Lemery. Kinilala siya ng kaniyang pamilya, at ini-turn over ang kaniyang mga labi sa kanila para sa tamang disposisyon.

Batay sa paunang salaysay ng pamilya, sinubukan umanong iligtas ng bata ang kaniyang kapatid na tinangay ng agos patungo sa mas malalim na bahagi ng ilog. Tinangay rin umano ang bata at mula noon ay hindi na nakita.

Nagsagawa ng search and rescue operations ang Coast Guard Sub-Stations ng Lemery at Agoncillo, kasama ang Special Operations Group–Southern Tagalog. Gumamit ang mga awtoridad ng underwater at surface searches, riverbank patrols, at drone-assisted aerial surveillance sa ilang barangay ng dalawang bayan. Katuwang din nila ang Bureau of Fire Protection o BFP at ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices ng Lemery at Agoncillo.

Kasunod ng insidente, nagsagawa ang PCG ng information drive sa Barangay Sta. Cruz, Agoncillo, tungkol sa kaligtasan sa ilog at pag-iwas sa pagkalunod.

Nakikipag-ugnayan din ang PCG sa mga lokal na opisyal para sa posibleng paglalagay ng warning signs sa mga delikadong lugar, mas mahigpit na pagpapatupad ng river safety rules, at pagpapalawak ng public awareness campaigns.

Paalala ng PCG, umiwas sa mga bahaging may malakas na agos at malalim na tubig. Pinapayuhan din ang mga magulang at guardian na bantayang mabuti ang mga bata kapag malapit sa ilog upang maiwasan ang kaparehong trahedya.