Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

4 na tsuper ng jeepney sa Batangas, positibo sa random drug testing

Apat na public utility jeepney drivers sa Batangas ang nagpositibo sa ipinagbabawal na gamot matapos sumailalim sa surprise drug testing ng Land Transportation Office o LTO Calabarzon.

Sa 100 PUV drivers na sinuri sa isang terminal sa Batangas, 4 ang nagpositibo habang 96 ang nagnegatibo, ayon sa LTO Calabarzon at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region IV-A.

Hindi na tinukoy ng LTO kung kailan at saang ruta bumibiyahe ang apat na driver, o kung nahinto na ang kanilang pamamasada matapos lumabas ang resulta.

Gayunman, iginiit ni LTO Calabarzon Regional Director Elmer J. Decena na maaaring ipatigil ang pamamasada, kanselahin ang lisensya at sampahan ng kaukulang kaso ang mga driver na lalabag sa batas. Ang pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng droga ay maaaring maglagay sa panganib sa mga pasahero at kapwa motorista.

Isinagawa ang testing sa gitna ng paghahanda para sa Undas, kung kailan inaasahang tataas ang bilang ng mga bumibiyahe.

Sa ilalim ng pamumuno ni Transportation Secretary Vince Dizon at LTO Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, sinabi ng ahensya na magpapatuloy ang random drug testing, terminal inspections at road enforcement sa buong Calabarzon.