Opens in a new tab
Skip to content
National

Pamasahe sa eroplano, posibleng lalo pang tataas sa Nobyembre

Posibleng mas tumaas ang gastos sa pamasahe ng mga biyahero sa domestic at international flights ngayong unang kalahati ng Nobyembre, kasunod ng panibagong pagtaas ng fuel surcharge na pinapayagan ng Civil Aeronautics Board o CAB.

Sa advisory ng CAB, itataas sa Level 17 ang fuel surcharge mula Nobyembre 1 hanggang 15, mula sa Level 16 noong ikalawang kalahati ng Oktubre.

Sa ilalim ng bagong rate, maaaring umabot sa P559 hanggang P1,635 ang dagdag-singil sa domestic flights, habang P1,846.10 hanggang P13,726.58 naman sa international flights, depende sa destinasyon.

Mas mataas ito kumpara sa dating singil na P525 hanggang P1,535 para sa domestic flights at P1,733.76 hanggang P12,891.29 para sa international flights.

Malayo rin ito sa Level 4 na ipinatutupad bago ang digmaan sa Middle East, kung saan nasa P117 hanggang P342 lamang ang surcharge sa domestic flights at P385.70 hanggang P2,867.82 sa international routes.

Ang fuel surcharge ay dagdag-singil sa base fare na ginagamit ng mga airline upang makatulong na matustusan ang pabago-bagong presyo ng aviation fuel.

Ayon sa monitoring ng International Air Transport Association o IATA, umakyat sa 196 dollars and 70 cents per barrel ang presyo ng jet fuel noong linggong nagtapos ng Oktubre 23, mula sa 192 dollars and 44 cents noong nakaraang linggo. Apat na sunod na linggo nang tumataas ang presyo nito, kasabay ng patuloy na tensyon sa Middle East at pabago-bagong oil market.

Ang Level 17 ay kapareho ng ipinatupad noong unang kalahati ng Oktubre at ito ang pinakamataas mula nang maipatupad ang Level 18 noong unang kalahati ng Mayo.

Samantala, patuloy munang susuriin ng CAB ang fuel surcharge kada 15 araw sa halip na buwan-buwan, upang mas mabilis na maiaangkop ang singil sa aktuwal na presyo ng gasolina.

Pinapayuhan ang mga biyahero na isaalang-alang ang dagdag-gastos sa pagpaplano ng kanilang biyahe sa Nobyembre.