Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

10 PUV drivers at conductors, positive sa random drug testing bago ang Undas

Sampung public utility vehicle o PUV drivers at conductors ang nagpositibo sa random drug testing na isinagawa ng Land Transportation Office o LTO Region 4A at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 4A bilang bahagi ng Oplan Byaheng Ligtas Undas 2026.

Isinagawa ang operasyon noong October 26 hanggang 28 sa mga pangunahing transport terminal sa Antipolo City, Rizal; Tagaytay City, Cavite; Calamba at San Pablo City, Laguna; Lucena City, Quezon; at Batangas City at Lipa City, Batangas.

Sa kabuuan, 700 PUV drivers at conductors ang sumailalim sa pagsusuri, kung saan 10 ang nagpositibo sa presensya ng dangerous drugs. Isinuko na sa LTO Region 4A ang kanilang mga driver’s license para sa kaukulang aksyon.

Dadaan naman sa karagdagang assessment ang mga nagpositibo at ire-refer sa mga kinauukulang Anti-Drug Abuse Councils para sa posibleng pagsali sa angkop na intervention programs, alinsunod sa mga umiiral na proseso.

Layunin ng joint operation na matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at maiwasan ang pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng ilegal na droga, lalo na ngayong Undas kung inaasahang tataas ang bilang ng mga biyahero.