Opens in a new tab
Skip to content
Local

Tatlong katao kabilang ang isang menor de edad, nasawi sa 3 magkakahiwalay na aksidente sa Quezon Province

Tatlong katao ang nasawi, kabilang ang isang 15-anyos na menor de edad, sa magkakahiwalay na aksidente sa kalsada sa Quezon Province noong November 15 at 16, 2026, batay sa ulat ng Police Regional Office CALABARZON.

Sa Pitogo, nasawi ang isang 86-anyos na babae matapos mabangga ng isang government-owned mini closed van sa Sitio Dulos, Barangay Cawayanin, dakong alas-8:30 ng umaga noong November 16.

Ayon sa paunang imbestigasyon, tumatawid ang biktima sa provincial road nang aksidenteng masalpok ng van na minamaneho ng 58-anyos na si Sergio, na patungo sana sa Unisan mula Pitogo. Nasawi agad ang matanda dahil sa tinamong mga pinsala. Nasa kustodiya ng Pitogo Police ang driver.

Samantala, nasawi rin ang isang teacher matapos masagasaan ng isang passenger bus sa National Road, Barangay 10, Catanauan, dakong ala-1:10 ng hapon noong November 16.

Batay sa imbestigasyon, tinangka ng biktimang sakay ng gray motorsiklo na mag-overtake sa kanan ng bus na pag-aari ng P&O Transport Corporation. Ngunit dumulas ang kanyang motorsiklo sa bahagi ng kalsadang may buhangin at graba, dahilan para tumilapon siya at masagasaan ng kanang gulong sa harap ng bus.

Isinugod siya sa Hospital ngunit idineklarang dead on arrival dakong alas-2:32 ng hapon. Ang bus ay minamaneho ng 42-anyos na si Renier. Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Samantala, isang 15-anyos na motorcycle driver ang nasawi habang sugatan ang kanyang 22-anyos na back rider sa isang accident sa Barangay Guinhalinan, San Narciso.

Nangyari ang aksidente dakong alas-3 ng madaling-araw nitong November 15, habang binabaybay nila ang San Narciso-Buenavista Road. Nawalan umano ng kontrol ang driver sa motorsiklo na walang plaka at bumangga sa perimeter fence ng isang bahay.

Isinugod ang dalawa sa Quezon Provincial Hospital Network-San Narciso, kung saan idineklarang dead on arrival ang 15-anyos na driver na kinilala lamang sa alyas na Nena. Patuloy namang nagpapagaling ang kanyang back rider na si Emjay, isang construction worker.

Sa tatlong magkakahiwalay na insidente, patuloy ang imbestigasyon ng mga kinauukulang police station upang matukoy ang buong pangyayari at mga posibleng pananagutan. | BChannel news