Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

11 Chinese Nationals at isang Pinoy, arestado sa operasyon sa Nasugbu, Batangas

Arestado ang 11 Chinese nationals at isang Filipino sa isang joint police operation sa Sitio Batulao, Barangay Kaylaway, Nasugbu, Batangas, nitong November 19, 2026, kaugnay ng umano’y ilegal na operasyon ng isang business establishment na walang kinakailangang business permit.

Pinangunahan ng Nasugbu Municipal Police Station ang operasyon kasama ang Regional Special Operations Unit 4A, Provincial Intelligence Unit, at Business Permits and Licensing Office ng Nasugbu sa ilalim ng Batangas Police Provincial Office na pinamumunuan ni PCOL Oliver B. Ebora.

Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na Song, 36; Hu, 31; Mao, 23; Lin, 26; Wu, 32; Xiao, 27; Tan, 29; Dong, 31; Qing, 28; Ji, 32; at Li, 33, na pawang Chinese nationals. Kasama rin ang 53-anyos na Filipino na si alyas Burt, isang driver at residente ng Labason, Zamboanga del Norte.

Nasamsam sa operasyon ang 18 personal computers, 18 laptops, isang router at anim na flash drives. Nakuha rin ang isang caliber .45 Rock Island M1911 A1 pistol na may serial number RIA2050232, isang magazine na may walong bala at tatlong ekstrang magazine na may tig-walong bala, o kabuuang 32 live rounds.

Nahaharap ang mga suspek sa posibleng kaso kaugnay ng paglabag sa Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991 at Republic Act 11917 o Private Security Services Industry Act.

Nasa kustodiya na ng Nasugbu MPS ang 12 indibidwal habang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. Isasailalim din sa dokumentasyon at pagsusuri ang mga nakumpiskang kagamitan.