Nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang tinatayang 69,634 liters ng petroleum products na nagkakahalaga ng siyam na milyong piso sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Lipa City, Batangas nitong November 18, 2026.
Dalawang indibidwal din ang inaresto dahil sa umano’y ilegal na pagbebenta ng produktong petrolyo.
Alas-3 ng hapon nang salakayin ng CIDG Batangas ang isang gasoline station sa Barangay San Sebastian, kung saan natuklasan ang tatlong underground storage tanks na may lamang 14,210 liters ng petroleum products na nagkakahalaga ng dalawang milyong piso.
Makalipas ang 20 minuto, nagsagawa rin ng operasyon sa Barangay Sabang na nagresulta sa pagkakatuklas ng apat pang underground tanks na naglalaman ng 55,424 liters ng petroleum products na nagkakahalaga naman ng pitong milyong piso.
Ayon sa CIDG, ang dalawang gasoline station ay walang Certificate of Compliance o COC at License to Operate o LTO mula sa Department of Energy o DOE.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas Carlo at alyas Rea, kapwa residente ng Lipa City.
Nilabag umano ng mga ito ang Batas Pambansa Bilang 33, na inamyendahan ng Presidential Decree 1865, na nagbabawal sa pagbebenta at pamamahagi ng petroleum products nang walang kaukulang lisensya o pahintulot.
Ayon sa CIDG, patuloy silang makikipag-ugnayan sa DOE upang mapigilan ang ilegal na kalakalan ng produktong petrolyo at maprotektahan ang publiko laban sa mga gawaing maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan at ekonomiya.