Binulgar ni dating DPWH-Bulacan engineer Brice Hernandez ang detalyadong proseso ng pag-deliver ng higit 20 malalaking suitcase na naglalaman ng kabuuang halos isang bilyong piso kay Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co sa pamamagitan ng kanyang aide.
Sinabi rin ni Hernandez na ang pera ay hindi direktang naiparating kay Co kundi sa aide nitong si “Paul,” at isinagawa ang deliveries sa BGC hotel basement, penthouse, at sa bahay ni Co sa Valle Verde 6, Pasig.
Samantala, si Co ay kasalukuyang nasa Estados Unidos para sa medical treatment ngunit nirevoke ng House Speaker ang kanyang travel clearance.
Ayon naman kay Hernandez at sa kapwa dating project engineer na si Jaypee Mendoza, lahat ng infrastructure projects sa Bulacan simula 2019 ay substandard dahil sa sistematikong korupsyon.
Inihayag din sa affidavit ni dating DPWH District Engineer Henry Alcantara na si Co ang pangunahing proponent ng flood control projects na nagkakahalaga ng 35 bilyong piso mula 2022 hanggang 2025. Ayon sa testimonya, halos lahat ng DPWH projects—mula sa classrooms, ospital, tulay, kalsada, at streetlights—ay hindi nakamit ang tamang specifications.
Sinabi ni Senator Erwin Tulfo, kung sakaling magkaroon ng lindol, maaaring mapanganib ang mga gusali at imprastraktura. Inamin ni Hernandez na binago ang mga plano at pinalaki ang budget para makuha ang porsyento ng mga political proponents, na umaabot sa 25 hanggang 30 porsyento para sa flood control at 10 porsyento para sa multipurpose buildings.
Ayon kay Mendoza, ang cost-padding ay ginawa sa pamamagitan ng pagbabago ng specifications.
Halimbawa, kung 2×2 ang standard plan, ginagawa itong 4×4 para lumaki ang budget at mapondohan ang proponents. | BChannel NEWS