Arestado ang isang lalaki matapos mahulihan ng baril na walang kaukulang dokumento sa Brgy. Poblacion 2, Cuenca, Batangas dakong alas-3:30 ng madaling araw, September 22.

Ayon sa Cuenca Police, inaresto ng mga pulis ang suspek na nakilalang si alyas James, 39 anyos, residente ng Lipa City.
Ang pag-aresto ay konektado sa isang insidente na nangyari sa Brgy. Don Juan noong September 21.
Ayon sa mga kasama ng biktima, itinuro si James at kasama nitong si Aclan, 47 anyos, driver din mula Lipa. Kapwa sila sumailalim sa paraffin test ng Batangas Forensic Unit.
Sa isinagawang search sa kanilang sasakyan na SUV, narekober ang isang sling bag ni James na may lamang Glock 19 caliber 9mm pistol, tatlong magazine na may live ammunition, at isang NBI ID.

Inamin ng suspek na kanya ang baril pero hindi siya nakapagpakita ng permit o rehistro. Ayon pa sa kanya, “for processing” pa umano ang mga papeles ng baril.
Dinala siya sa ospital para sa medical exam at ngayon ay nasa kustodiya na ng Cuenca Municipal Police Station para sa pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. | BChannel news