Sa gitna ng malakas na ulan, personal na ininspeksyon ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang mga tren ng LRT-2, LRT-1, at MRT-3 bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking ligtas at komportable ang biyahe ng mga pasahero.
Ngunit sa pagdating ni Lopez sa LRT-1 Baclaran Station, agad siyang nadismaya matapos madiskubre na apat na taon nang walang tubig ang mga palikuran ng istasyon. Bukod dito, marumi, masikip, at hindi maayos ang mga pasilyo—sarado pa ang mga daanan at hindi rin PWD- at senior-friendly ang lugar.
Nahuli pa mismo ng kalihim ang isang person with disability na hirap maglakad dahil sa madulas na sahig at kawalan ng maayos na walkway. Galit na tinanong ni Lopez ang station manager kung bakit tila napabayaan ang pasilidad.
Giit ng kalihim, hindi dahilan ang pagiging luma ng istasyon para mapabayaan ito. Dapat daw ay malinis at maayos ang serbisyo para sa mga mananakay.
Ikinadismaya rin niya ang halos walong buwang pagkaantala ng konstruksyon ng walkway na sinimulan pa noong Marso. Ayon sa kanya, tatlong tao lang daw ang nagtatrabaho sa proyekto.
Samantala, sinabi ng Light Rail Manila Corporation na patuloy ang ginagawang upgrade sa Baclaran Station bilang bahagi ng modernization plan ng buong LRT-1 system.
Binigyan ni Secretary Lopez ng hanggang katapusan ng taon ang LRMC para ayusin ang Baclaran Station at pag-aralan ang paglalagay ng elevator para sa mga PWD at senior citizen. | BChannel News