Nagdeklara ng state of national calamity si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang malawakang pinsalang idinulot ni Bagyong Tino sa Visayas at Mindanao, at bilang paghahanda sa posibleng super typhoon na si Uwan.
Ayon kay PBBM, inaprubahan niya ang rekomendasyon ng NDRRMC dahil tinatayang aabot sa sampu hanggang labindalawang rehiyon ang maaapektuhan. Umabot na sa 114 ang naiulat na nasawi habang libo-libong pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa deklarasyong ito, mapapabilis ang pag-access sa calamity funds, price control sa mga bilihin, at tulong mula sa pambansang pamahalaan.
Kasabay nito, puspusan ang ginagawang relief at clearing operations ng mga tauhan ng gobyerno, militar, at pulis sa mga binahang lugar, habang pinaghahandaan na rin ang posibleng pananalasa ni Uwan sa Northern Luzon sa mga susunod na araw.