Isang lalaki ang nasawi matapos pagtatagain sa Barangay Tactac, Balayan, Batangas bandang alas-9:30 ng umaga noong Pebrero a-3.
Ayon sa Balayan Municipal Police Station, rumesponde silamatapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen.
Batay sa paunang imbestigasyon, kapwa nagpuputol ng tubo ang biktima at ang suspek nang magsimula ang isang biruang pagtatalo na kalauna’y nauwi sa mainitang sagutan. Sa gitna ng insidente, ilang ulit umanong pinagtataga ng suspek ang biktima.
Nagtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at agad isinugod sa Don Manuel Lopez Memorial District Hospital, ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician na si Dr. Kim Joseph Dimailig.
Kinilala ang biktima na si Richard, isang sugarcane cutter at kasalukuyang residente ng Barangay Dilao, Balayan. Samantala, ang suspek na si Dante, na residente rin ng nasabing barangay, ay nananatiling at large.
Patuloy ang isinasagawang dragnet operation, CCTV tracking at hot pursuit ng pulisya para sa agarang pag-aresto sa suspek. | BChannel news