Arestado ang limang katao matapos maaktuhan sa umano’y ilegal na drag racing at tumangging sumunod sa utos ng pulisya madaling araw ng Pebrero 25 sa Barangay Tanggoy, Balayan, Batangas.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, bandang alas-3:30 ng madaling araw nang makatanggap ng tawag sa Hotline 911 ang duty radio operator ng Balayan Municipal Police Station kaugnay sa umano’y ilegal na karera ng mga motorsiklo sa nasabing lugar.
Pagdating sa lugar, naabutan ng mga awtoridad ang nagpapatuloy na drag racing. Nang lapitan at pakilalanin ng mga pulis ang kanilang sarili at pigilan ang mga kalahok para sa beripikasyon, tumanggi umano ang limang suspek at mabilis na tumakas sakay ng isang kotse.
Nagkaroon ng habulan sa pagitan ng patrol car at ng sasakyan ng mga suspek hanggang sa maaresto ang mga ito sa Barangay Poblacion 3 sa Calaca City.
Inihahanda na ang kasong Disobedience to Persons in Authority at iba pang kaugnay na paglabag sa batas trapiko at mga ordinansa laban sa ilegal na drag racing. Kasalukuyang nasa kustodiya ng Balayan Municipal Police Station ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, muling pinaalalahanan ng Batangas Police Provincial Office ang publiko na makiisa sa pagpapatupad ng batas at iwasan ang mga ilegal na aktibidad sa kalsada na maaaring magdulot ng panganib sa komunidad. | BChannel news