Isang lalaki ang nasawi matapos malunod habang naliligo sa dagat sa Brgy. Luyahan, Lian, Batangas.
Ayon sa ulat ng Lian Municipal Police Station, nadiskubre ang insidente bandang alas-10:30 ng umaga noong March 13, habang opisyal itong nai-report sa pulisya alas-12:15 ng tanghali ng parehong araw.
Batay sa paunang imbestigasyon, dumating umano ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan sa naturang beach camp bandang alas-7 ng umaga noong March 12 para sa isang friends’ outing.
Kinabukasan, bandang alas-10:20 ng umaga, tumalon umano sa tubig ang biktima at tinanggal ang kanyang suot na life vest. Makalipas ang ilang minuto, napansin ng kanyang mga kasama na nakalubog na ito sa tubig at wala nang malay.
Iniahon at isinugod ng MDRRMO personnel ang biktima sa Hospital, ngunit idineklara na siyang dead on arrival.
Sa karagdagang imbestigasyon, napag-alaman na nakainom umano ng alak ang biktima na si Matias bago nangyari ang insidente.
Sa ngayon, wala namang nakitang foul play o anumang senyales ng krimen sa insidente ayon sa pulisya.