Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi nakilalang suspek sa tabi ng kanyang nakaparadang sasakyan malapit sa munisipyo ang isang municipal councilor sa bayan ng Sarrat, Ilocos Norte nitong nakaraang Linggo.
Nakilala ang nasawing biktima na si Sangguniang Bayan Member Apolonio Medrano.
Dumalo umano ang biktima sa Flag Raising Ceremony sa munisipyo ng Sarrat at nakatayo ito sa tabi ng kanyang sasakyan nang biglang lumapit ang mga suspek.
Agad pinagbabaril ng mga suspek ang biktima. Nagawa pa itong isugod sa ospital pero hindi na rin nailigtas ng mga doktor.
Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya, kung ano ang motibo ng pamamaslang para matukoy ang mga salarin.