Aabot sa P455.6 million ang estimated value ng 67 kilo ng hinihinalang shabu na nakumpiska sa isang buy-bust operation sa Zamboanga City noong November 11, 2026.
Apat na suspek ang naaresto sa operasyon ng PDEA at PNP bandang alas-4:52 ng hapon sa Arcillas Street, Barangay Mercedes.
Nakuha sa mga suspek ang kabuuang 67,000 grams ng hinihinalang shabu. Kabilang dito ang dalawang pakete na may dalawang kilo na ginamit sa transaksyon at 65 pakete na may 65 kilo na narekober sa kanilang pag-iingat.
Ang mga naaresto ay sina alyas Sab, 45; Sher, 42; Jul, 54; at Abu, 33.
Narekober din ang apat na identification cards, isang passport, dalawang cellphone, weighing scale, transaction slip, susi at isang sasakyan.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Isasailalim naman sa forensic examination ang mga nakumpiskang droga.