fbpx

Red meat, nakakabaho ng amoy ng katawan

Bacon wrapped red beef slices
Roasted pork ribs. Free food

Hindi makukumpleto ang adobo, nilaga, o kaldereta kung walang karne. Siguradong hindi ka makakatanggi kapag inalok ka ng iyong kaibigan ng hamburger o kaya nama’y hotdog.  Ngunit sa kabila ng nanunuot na sarap ng mga pagkaing ito, alam mo ba na ang karne ay nagdudulot ng masamang amoy sa ating katawan? 

Tinatawag na red meat ang karne ng baka, baboy, tupa, kambing, o usa. May hatid itong sustansya tulad ng protein, vitamin B12, at zinc na nakatutulong sa ating muscles at tissue, nervous system, at immune system.

Gayunman, ang labis na pagkonsumo ng red meat ay maaaring magbunga ng di kaaya-ayang amoy sa ating katawan. Napatunayan ito sa isang pag-aaral sa Czech Republic noong 2006 kung saan nagkolekta ang mga mananaliksik ng samples ng pawis ng dalawang grupo ng kalalakihan: iyong mga kumakain ng karne at iyong mga vegetarian. Ipinaamoy ito sa kababaihan upang tukuyin kung anong grupo ang may masangsang na amoy.

Bacon wrapped red beef slices
Bacon wrapped red beef slices by U.S. Coast Guard Academy is licensed under CC-CC0 1.0

Nakita sa resulta na ang mga lalaking may nonmeat diet o iyong mga vegetarian ay may mas kaaya-aya at mabangong amoy ng katawan. Iminungkahi ng pag-aaral na ang pagkonsumo ng red meat ay may negatibong epekto sa amoy ng ating katawan. 

Napapaisip ka siguro kung bakit ganito ang kinalabasan ng pananaliksik. Ito ay dahil ang red meat ay may amino acids na nag-iiwan ng residue o tira-tira sa ating bituka sa proseso ng digestion. Tinutunaw ito ng intestinal enzymes na kalauna’y naglalabas ng fatty acids na humahalo sa bacteria sa ating balat na nailalabas tuwing tayo ay napagpapawisan. Samakatuwid, nakalilikha ito ng mabahong amoy.

Ayon kay E. Adam Kallel, medicinal chemistry consultant sa Victrix Computational and Medicinal Chemistry Consultancy sa Carlsbad, California, mahirap tunawin ang karne kumpara sa ibang pagkain kaya’t ang tanging ginagawa ng ating katawan ay maglabas ng maraming pawis sa ating sweat glands.

Raw beef steaks
Raw beef steaks by Jakub Kapusnak is licensed under CC-CC0 1.0

Dagdag pa niya, mas lalakas ang mabahong amoy dalawang oras pagkatapos kumain ng red meat. Nakadepende ang amoy ng pawis sa personal body chemistry ng isang tao at maaaring magtagal ng ilang oras hanggang dalawang linggo ang masangsang na amoy. 

Marami tayong maituturong sanhi ng di kaaya-ayang amoy ng ating katawan tulad ng hindi maayos na hygiene. Subalit kung sa tingin mo na ang labis na pagkonsumo ng red meat ang dahilan nito, panahon na upang disiplinahin ang sarili sa pamamagitan ng katamtamang pagkain nito. | KRIZELLE ZALAMEA intern

About Author