Taong 2020, naging usap-usapan sa mga netizen ang Youtube vlog ni Coleen Garcia-Crawford. Matapos kasi nitong manganak ay ibinahagi ng aktres na ginawa nilang smoothie ang placenta o ang kanyang inunan. Ayon sa kanya, naging mabilis ang kanyang paggaling dahil sa pag-inom nito. Dagdag pa niya, agad ding bumalik ang kanyang lakas dahil dito. Umani ng iba’t ibang reaksyon ang ginawa ni Coleen. Ang iba nga’y nandiri habang ang iba naman ay sumang-ayon na maganda raw talaga ang placenta sa katawan lalo na sa mga bagong panganak na nanay.
Hindi na bago ang pag-inom o pagkain ng inunan, ngunit marami pa ring nagugulat dito. Subalit ano nga ba ang placenta? Ang placenta ay may malaking papel sa pagbibigay sustansya sa sanggol habang ito’y nasa tiyan pa lamang ng ina. Bukod sa sustansya, nagsisilbi itong kaagapay ng umbilical cord sa pagpapadaloy ng oxygen at pagsasala na rin ng mga bagay na maaaring makasama sa sanggol.
Ang pagkain ng placenta o placentophagy ay pinaniniwalaang nagmula sa sa mga Chinese. Ayon kay Dr. Mary Marnach, isang gynecologist, maraming tao sa iba’t ibang panig ng mundo ang naniniwalang nakatutulong ang pagkain ng placenta upang mabilis na mapanumbalik ang lakas ng ina, gayundin upang maiwasan ang labis na pagdurugo at higit lalo na ang pagkakaroon ng postpartum depression.
Sa isang panayam naman kay Lowella Cuyos, imbes na placenta niya pagkatapos manganak ay placenta ng pusa ang kanyang kinain. Ayon sa kanya, ipinakain daw ito sa kanya ng kanyang kapatid pagkatapos niyang manganak upang hindi mabinat at mabilis na makakilos. Pinatuyo raw nila ito saka iprinito. Dagdag pa niya, sa kultura nila sa Zamboanga ay hindi kinakain ang placenta ng tao dahil ibinabaon naman daw ito. Bagay na ginagawa rin ng ibang mga bansa, depende sa kulturang nakagisnan.
Subalit ayon kay Dr. Marnach, walang pag-aaral na makapagpapatunay sa mga paniniwalang ito. Ayon pa sa eksperto, baka imbes na makatulong ay makasama pa ang pagkain ng placenta, dahil ang pagkonsumo nito–kahit pa niluto o ginawang pills– ay hindi gumagarantiya na napupuksa ang mga bacteria at virus na mayroon dito.
Sa isang artikulo ni Damian Carrington, Environment Editor ng The Guardian, natuklasan ng mga eksperto na may microplastic ang apat na placentang nagmula sa apat nilang pasyente. Ayon sa mga ito, 4% lamang ang nasuri sa bawat placenta ngunit naglalaman ito ng dose-dosenang microplastic na maaaring sumama sa dugo ng nanay at kanyang sanggol. Ikinababahala ito ng mga eksperto kaya’t hindi inirerekomenda ng mga doktor ang pagkain ng placenta. Bagamat nakalabas na kasi ang sanggol sa sinapupunan– kung kakainin pa rin ito ng ina ay maaaring maipasa pa ang toxic materials sa sanggol sa pamamagitan ng pagpapasuso.
Paalala ng mga doktor, mas maigi nang magpatingin kung nakararanas ng postpartum depression, labis na pagdurugo at panghihina matapos manganak.– ANANEA JUVIGAIL OCFEMIA,intern