Patay ang isang 42-anyos na lalaki matapos nitong balikan ang kanyang anak na inakala niyang naiwanan sa loob ng nasusunog na tahanan sa Esguerra St. Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City, nitong Martes.
Halos hindi na makikilala umano ang bangkay ng biktima na kilalang si Allan Boryongan, isang miyembro ng Barangay Security Force (BSF) ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Samantala, sugatan naman ang apat pang biktima na sina Roland Gumanas, 47-anyos, na nagtamo ng sugat sa noo; Raymond Reyes, 31-anyos, na nagtamo ng paso sa kaliwang kamay; Kevin Gonzales, 25-anyos, na nasugatan rin sa kaliwang kamay at si Angelo Lupid, 27-anyos, na nagtamo ng sugat sa kaliwang paa.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas 11:48 ng tanghali ng sumiklab ang sunog sa nasabing lugar at bandang ala-1:12 na ng hapon nang tuluyan itong naapula.
Kasalukuyang inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng pinagmulan ng sunog gayundin ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito. | Isabelle Ramos intern, BChannel News | PHOTO Moaner Abac