Pinangunahan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Halal program ang isinagawang pagsasanay sa produksyon ng kambing nitong Agosto 2-3, 2023, sa Organic Agriculture Research and Development Center (OARDC) Conference Hall, Lipa City Batangas.
Tinalakay rito ang mga mahahalagang gawain sa produksyon ng kambing gaya na lamang ng tamang pagpili ng lahi, pagpapalahi, pabahay, pagkain at nutrisyon, paghahanda ng pastulan, at pamamahala ng kalusugan ng mga alaga.
Binigyan diin sa naturang pagsasanay ang pagsunod sa Philippine National Standards (PNS) sa produksyon ng kambing at ang pagpapatupad ng Good Animal Husbandry Practices (GAHP).
Ayon kay Gng. Marjorie Sepina, DA-4A Senior Science Research Specialist, patuloy ang pagbaba ng produksyon ng kambing sa ating bansa habang patuloy na tumataas naman ang demand dito. Aniya, sa pamamagitan ng pagsasanay na ito ay matutulungan ang mga magkakambing na mapalakas ang
kanilang produksyon.
Dumalo naman ang nasa 35 katao na kalahok mula sa Talaga Water Service Cooperative, Office of the City Veterinarian, Barangay Animal Health Workers, Farm owners, City Cooperative and Livelihood Development Office at Muslim Community ng Tanauan City, Batangas. | via DA-CALABARZON