Tinatayang P369 million na halaga ng umano’y Marijuana, na tumitimbang ng 307.866 kilograms, ang nasabat ng mga awtoridad sa dalawang abandoned parcels sa NAIA Complex, Pasay City nitong November 23, 2026.
Nadiskubre ang ilegal na droga bandang 1:30 ng hapon sa PAIR-PAGS Center matapos inspeksyunin ang dalawang padala mula Thailand.
Ang unang parcel ay idineklarang assorted children’s plastic toys at nakapangalan sa recipient sa Caloocan City. Ang ikalawa naman ay idineklarang truck side mirrors at para sa recipient sa Bulacan.
Sa inspeksyon, nakita ang mga tuyong dahon na hinihinalang Marijuana Kush na itinago sa loob at kasama ng mga ipinadalang produkto.
Pinangunahan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa pamamagitan ng PDEA Regional Office-NCR ang operasyon, katuwang ang Bureau of Customs, PNP Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, NBI at Bureau of Immigration.
Ayon kay PDEA Director General Usec. Isagani R. Nerez, malaking tulong ang narcotics detection dogs at kanilang handlers sa pagtukoy ng mga nakatagong ilegal na droga at pagpigil sa pagpasok nito sa mga komunidad.
Walang naarestong suspek dahil abandonado ang dalawang parcel. Isusumite naman ang nasabat na ebidensya sa PDEA Laboratory Service para sa forensic examination.