fbpx

Magulang ng sanggol na nag-viral sa concert ni JK Labajo; nagpaliwanag ukol sa nangyari

Matapos mag viral ang video ng OPM Singer na si JK Labajo na nagpahayag ng kanyang pag-aalala sa sanggol na sinama sa kanyang concert sa Paniqui, Tarlac nitong Marso 17, 2024, nagpaliwanag na ang mga magulang ng sanggol ukol sa nangyari.

Sa isang panayam kay Niel Patrick Tubino at asawa niyang si Fayn Tubino, nilinaw nila na hindi umano totoo na dalawang-buwang-gulang pa lamang ang kanilang baby, na si Fiyana, kundi pitong-buwang-gulang na. 

“Sabi ng netizens, 2 months lang yung baby namin.” saad ni Niel sa interview. “Hindi siya 2 months. Mag-8 months na siya.”

Base rin sa  uncut video kung saan maririnig na isinigaw ni Niel na “2 months pa lang, kasama kana nito!”, na dahilan kung bakit napasabi si JK ng “2 months?!”

Ayon sa Facebook post ni Niel nitong 29 Marso, kung saan ibinahagi niya ang kuwento sa likod ng viral video ng kanilang anak, ipinaliwanag niya na simula two months old pa lang ang kanilang baby ay talagang nabighani na ito sa mga awitin ni JK, partikular ang kantang “Ere”. Ito ay matapos aksidente umano napakinggan ni baby ang “Ere” habang pinapanood ng mommy niya ang live version ng nasabing kanta sa Youtube.

“From there, since malimit pakinggan ng nanay nya yung Ere, surprisingly, nagustuhan naman ni baby ang kanta to the extent na naka on loop yung live video ni Jk.” saad ng ama sa kanyang Facebook caption.

Dagdag pa nito, “pag umiiyak siya ng sobra, i-play lang namin ung Ere, tumatahimik na sya tapos nagogood mood na. 😅 pag hirap kami sa pag hele pra matulog siya, i-pplay lang namin yung Ere ni idol kuya JK nya, makakatulog na siya.”

Nang malaman nilang mag coconcert ang OPM singer sa Paniqui, Tarlac ay sinadya raw nilang magpunta kasama ang kanilang anak, sa pag-asa na mas mapalapit ang sanggol sa iniidolo.

Matatandaang umani ng pambabatikos mula sa netizens ang kanilang pamilya dahil sa isang edited video na mabilis na naging viral. Ipinakita sa video na inaasikaso  at karga karga ng OPM singer ang kakaiyak lang na sanggol at nagpapaliwanag tungkol sa hearing sensitivity ng mga sanggol.

Binigyang linaw naman ito ng mag-asawa, at kaya raw nakitang umiiyak ang baby sa video ay dahil bigla umano itong nagising at nagulat sa tili at hiyawaan ng mga tao sa concert venue at hindi umano dahil hindi siya komportable.

Bukod pa rito, hiling din ng mag-asawa na buhatin ng singer ang kanilang anak, na ayon sa asawa ni Niel, ay nag-aalangan pa ang OPM artist na gawin ito.

Inamin din ng mag asawa na nakakatanggap sila ng mga komento na ang kantang “Ere” ay di angkop para sa mga bata dahil sa lyrics nito, ngunit paliwanag naman ni Niel sa kanyang post, “hindi po yung bad word or title ng song ni kuya JK niya ang nagpapasaya sa kanya kundi yung ganda po ng boses ni JK and his music, itself.”

Ayon pa kay Niel, sa musika raw umano ni JK tumatahan at nagiging good mood si baby. Maliban dyan, ay mabisang pampatulog din daw nila ang kanta sa sanggol pag hirap silang patulugin ito.

Maliban kay JK ay nagugustuhan din daw ng seven month old baby nila na makinig sa iba pang OPM artist gaya ng; December Avenue, Ben&Ben, Moira dela Torre, at Lola Amour.

Gayunpaman, sa pahintulot na rin ng pamilya na gamitin ng BChannel News Team ang naging panayam nila sa Smart Parenting nitong Marso 29, nagpaabot naman ng mensahe si Niel para kay JK at sa mga netizens na nagbigay ng komento tungkol sa nangyari.

Para kay JK, nagpahayag si Niel ng kaniyang pasasalamat sa singer. “Kay JK naman very thankful na binigyan niya ng oras yung baby namin and pinag-bigyan yung request namin. Core memory yun para samin as parents, then sobrang galing niya, proud ako na as a Filipino may ganyan tayong kagaling na singer/performer.” saad ni Niel sa article ng naging panayam niya sa Smart Parenting.

Para naman sa mga netizens na nambatikos sakanila, “Para naman po doon sa mga taong nag-bash samin, ok lang po yun kung ang main reason naman is dahil concerned sila sa baby namin. Very thankful po ako dun, but don’t worry po alam po namin ang ginagawa namin. Sana rin po maintindihan ng netizen hindi nila pwede i-compare ang ugali ng baby namin sa kanila or sa mga anak nila, iba iba po kasi yan.”


Dagdag pa ni Niel, “Si baby po kasi namin, the louder the music, the more she sleeps well. Sana rin po mas maging concern po tayo sa mga mahal natin sa buhay bago sa ibang tao. Dagdag ko na rin po na sana ‘wag lang tayo mag base sa isang angle lang, life has a lot of angles kung mag focus lang po tayo sa isang angle, paano po tayo makakasigurado na ‘yun ang tama and paano po tayo mag tatagumpay sa gusto natin sa buhay kung isang angle lang ang basehan natin di ba? Lastly, ‘wag po nating kalimutang rumespeto sa kapwa.” | D.B.Rupan, BChannel News Team

About Author