Arestado ang isang lalaki na kinilala lamang sa alyas Rogelio matapos tumakas sa isang checkpoint operation at makuhanan ng baril at hinihinalang shabu sa Barangay Putat, Nasugbu, Batangas nitong Marso 26, 2025, bandang 8:55 PM.
Ayon sa Nasugbu Municipal Police Station (MPS), pinara ang suspek habang lulan ng isang motorsiklo para sa beripikasyon. Sa halip na makipagtulungan, tinangka nitong tumakas ngunit agad ding naharang at inaresto dahil sa Resistance and Disobedience to a Person in Authority.
Sa isinagawang paghahalughog, nakuha mula sa kanya ang isang Caliber .38 revolver na may limang bala at dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.15 gramo at halagang Php 1,020.00.
Bukod sa kasong Resistance and Disobedience, kakaharapin din ng suspek ang mga paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at Omnibus Election Code (Gun Ban).
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente, habang nasa kustodiya na ng Nasugbu MPS ang suspek para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.| BChannel NEWS