Tatlong Pilipino ang inaresto ng mga otoridad sa China dahil sa umano’y pagkakasangkot sa espionage, ayon sa ulat ng Chinese state media na Global Times.
Ayon sa imbestigasyon, si David Servañez, isang Pilipinong naninirahan sa China, ay paulit-ulit na namataan sa mga lugar malapit sa pasilidad ng militar ng China. Natuklasan ng mga awtoridad na siya ay inuutusan ng isang operatiba ng inteligence ng Pilipinas na kilala bilang “Herrera.” Bukod kay Servañez, dalawa pang Pilipino—Albert Endencia at Nathalie Plizardo—ang natukoy na kasabwat sa espiya.
Batay sa ulat, mula pa noong 2021, si Richie Herrera, isang opisyal ng inteligence ng militar ng Pilipinas, ay umano’y nagrekrut at nagsanay sa tatlong Pilipino upang magsagawa ng paniniktik sa China.
Batay sa imbestigasyon, matagal nang nangangalap umano ng impormasyon ang Philippine intelligence agencies, partikular sa deployment ng militar ng China.
Sa isang pahayag, sinabi ng Foreign Ministry ng China na ang kaso ay isinasailalim sa legal na proseso, habang pinuna rin nito ang Pilipinas sa umano’y “pagpaparatang” laban sa China sa mga isyu ng espiya.
Wala pang pahayag ang Embahada ng Pilipinas hinggil sa insidente.
Matatandaang ilang Chinese national din ang naaresto sa Pilipinas kamakailan dahil sa espionage, kasabay ng pagpapalakas ng AFP sa intelligence at cyber defense operations.