Isang insidente ng pananaksak ang naganap sa loob ng isang Bar sa Brgy. San Francisco, San Pablo City, Laguna dakong alas-11:00 ng gabi noong Abril 6, 2025, na nagresulta sa pagkakasugat ng isang babaeng bar manager na nakilalang si alias Roselle.
Ayon sa imbestigasyon San Pablo Component City Police Station, ang suspek na si alias Helen, na umano’y tiyahin ng biktima, ay nasa loob ng bar at kasalukuyang umiinom ng alak bago mangyari ang insidente. Habang nasa comfort room ang biktima, sinundan siya ng suspek at bigla na lamang pinagsasaksak ng walang malinaw na dahilan.
Narinig ng isang kaanak ng biktima ang kaguluhan mula sa comfort room at agad na humingi ng saklolo. Sa kanilang pagpasok, tumambad sa kanila ang duguang katawan ni Roselle na may mga tama ng saksak. Agad siyang dinala sa San Pablo City District Hospital para sa agarang lunas.
Mabilis na rumesponde ang pulisya matapos humingi ng tulong ang pamilya ng biktima. Naaresto si alias Helen at dinala sa presinto bandang 1:30 ng madaling araw, Abril 7.
Sa salaysay ng suspek, nagselos umano ito nang marinig na iniimbitahan ng biktima ang kanyang live-in partner na lumabas, bagay na naging motibo ng pananaksak.
Kasong Frustrated Murder ang isasampa laban kay alias Helen, habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng insidente. | BChannel NEWS