Isang guro ang pinagsasaksak at pinagnakawan sa loob ng kanyang bahay sa Barangay San Pedro I, Malvar, Batangas nitong madaling-araw ng Mayo 9, 2025.
Batay sa ulat ng Malvar Municipal Police Station (MPS), naganap ang krimen dakong alas-3:00 ng madaling-araw sa tahanan ng biktimang si Jaquelyn, 40 taong gulang.
Ayon sa salaysay ng biktima, habang siya ay natutulog, naalimpungatan siya dahil sa malalakas na ingay mula sa unang palapag ng kanyang bahay. Nang kanyang siyasatin, laking gulat niya nang mabistong may lalaki na sa loob ng kanyang bahay. Agad siyang sumigaw ng “Magnanakaw! Magnanakaw!” upang humingi ng tulong.
Ngunit agad siyang sinunggaban ng suspek, na nakilalang si Eugene, isang vendor/caretaker at residente rin ng Barangay San Pedro I. Nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng dalawa hanggang sa bumunot ng kutsilyo ang suspek at dalawang ulit na sinaksak ang biktima bago tumakas gamit ang likurang pinto ng bahay at tumalon sa bakod.
Sa kabila ng insidente, pinalad ang biktima na nagtamo lamang ng mga mababaw na sugat. Napag-alamang nawawala ang cellphone, isang relo, wallet ng biktima na may lamang cash at mahahalagang ID.
Tinatayang nasa P50,650 ang kabuuang halaga ng mga natangay.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng Malvar MPS, kasabay ng dragnet operation para sa agarang pagkakaaresto ng suspek na si Eugene, na hanggang ngayon ay nananatiling at large. | BChannel NEWS