Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG) ang ilang indibidwal na sangkot sa pagdukot ng dalawang Chinese at isang Korean national noong Mayo 2, 2025, sa Nasugbu, Batangas.
Ayon kay NBI Director Jaime B. Santiago (Ret.), dinukot ang mga biktima habang patungo sa isang pangingisda sa may Kaybiang Tunnel gamit ang pekeng checkpoint ng mga suspek na nagpanggap bilang pulis.
Sumuko noong Mayo 26 si Jomar Pelayo Ubarde sa NBI-OTCD sa Pasay City at inamin ang kanyang papel sa surveillance at paghahanda sa krimen. Itinuro niya si Danilo “Danny” Abilong bilang utak ng operasyon, habang si John Nelson Ladrera alias “Master” ang umano’y nag-recruit ng mga taong nagpanggap na alagad ng batas.
Kinumpirma ni Abilong sa kanyang sariling salaysay ang mga detalye at inamin na pinangakuan siyang babayaran kapalit ng paglagay ng GPS tracker sa sasakyan ng kanyang among biktima.
Batay sa ebidensyang nakalap — kabilang ang mga sworn statements, call logs, at imahe — may sapat na basehan para kasuhan sina Ubarde, Abilong, at Ladrera ng Conspiracy to Commit Kidnapping for Ransom sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Human Security Act (RA 9372).
Patuloy namang pinaghahanap si Ladrera at isang alyas “Erick.” | BChannel NEWS