Isang kagawad ang nasawi matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Km 19, Barangay Llavac, Siniloan, Laguna bandang alas-12:17 ng tanghali nitong Hunyo 7, 2025.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Siniloan Municipal Police Station, lumalabas na sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima na si Rene, 51 anyos, at kagawad ng barangay, nang sundan siya ng isang lalaking nakasuot ng puting jacket at itim na helmet, sakay ng itim na motorsiklo.
Pagsapit sa lugar ng insidente, agad na pinaputukan ng tatlong beses sa likuran ang biktima, dahilan upang siya’y tumilapon sa kalsada.
Agad namang tumakas ang suspek patungong bayan ng Siniloan.
Kabilang sa mga isinagawang aksyon ng pulisya ang dragnet operation, follow-up operations, CCTV backtracking, at panayam sa mga posibleng testigo para sa patuloy na imbestigasyon. Inaalam na rin ang motibo sa naturang krimen. | via BChannel NEWS