Isang Chinese national na dinukot ay matagumpay na nasagip ng mga operatiba ng PNP Anti-Kidnapping Group sa isinagawang anti-kidnapping operation sa Sto. Tomas, Batangas nitong July 13, 2025 bandang 2:45 ng hapon.
Ayon sa Luzon Field Unit ng AKG, labing-dalawang Chinese at Filipino nationals ang naaresto sa operasyon. Ang biktima ay isang negosyanteng nagtitinda ng construction supplies at residente ng Taguig City.
Batay sa imbestigasyon, ang insidente ng pagdukot ay nangyari noong July 1 sa harap ng Coastal Luxury Residences sa Parañaque City, at ini-report sa PNP-AKG noong July 3 ng pinsan ng biktima.
Agad na kumilos ang AKG at nagsagawa ng operasyon matapos malamang humihingi ng ransom ang mga suspek mula sa pamilya ng biktima sa China. Isinagawa ang bayad sa pamamagitan ng cryptocurrency transfer.
Halos dalawang linggo ring hawak ng mga suspek ang biktima bago ito ligtas na nasagip. Patuloy naman ang hot pursuit operations ng PNP-AKG para habulin ang iba pang kasabwat na hindi pa nahuhuli. | BChannel NEWS