Dead on the spot sa pamamaril ang isang lalaki sa inuman habang ang suspek ay patay matapos pagtatagain ng misis ng biktima sa Barangay San Marcelino, Taysan, Batangas, bandang alas 7:30 ng gabi ng Agosto 24.
Ayon sa Taysan Police Station bandang 8:00 PM, isang concerned citizen ang tumawag upang ipaalam ang nangyaring insidente.
Agad na nagtungo ang mga awtoridad sa lugar upang mag-imbestiga.
Base sa paunang imbestigasyon, habang nag-iinuman ang biktimang si Reymark at ang suspek na si Amado sa bahay ng biktima, nagkaroon ng mainit na argumento.
Dito, pinaputukan ng suspek si Reymark ng dalawang beses sa dibdib at tiyan na agad nagdulot ng kanyang kamatayan.
Sa kabila ng insidente, hindi nag-atubiling sumunod ang misis ng biktima, si Lyn, na nasaksihan ang buong pangyayari. Agad niyang hinabol at pinagtataga ang suspek, na nagresulta sa kamatayan nito.
Nakarekober ang mga awtoridad ng isang caliber .38 na revolver, dalawang fired cartridge cases, at tatlong live ammunition sa lugar ng insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng Taysan Police at inaalam na rin ang pinagmulan ng pagtatalo. | BChannel NEWS