Naglabas ng paunang listahan ang Department of Public Works and Highways o DPWH ng sampung opisyal na iimbestigahan dahil sa umano’y magarbong pamumuhay at pagkakasangkot sa substandard na proyekto.
Sa isang press conference, sinabi ni Public Works Secretary Vince Dizon na nabigyan na ng show cause order ang mga opisyal kabilang sina NCR Regional Director Gerard Opulencia, Region 7 Director Danilo Villa, at ilang district engineers mula Pampanga, La Union, Quezon City, at Las Piñas-Muntinlupa. Kabilang din dito ang dating Mimaropa Regional Director Gerald Pacanan at iba pang opisyal na sangkot umano sa anomalya.
Ayon kay Dizon, may limang araw ang mga ito para magpaliwanag. Kung mapatunayang may sala, haharap sila sa kaukulang kaso alinsunod sa Civil Service law.
Binigyang-diin din ng kalihim na seryoso ang ahensya sa paglilinis mula itaas hanggang ibaba at walang sinuman ang sasantuhin. Inatasan din niya ang lahat ng kawani ng DPWH na makipagtulungan sa imbestigasyon at isumite ang kinakailangang dokumento.